Reklamo na obstruction of justice laban sa tatay ng isa sa hazing suspects, ibinasura ng DOJ
Ipinagutos ng DOJ panel of prosecutors na palayain na mula sa kustodiya ng pulisya ang ama ng isa sa mga suspek sa pagkamatay ni John Matthew Salilig.
Ito ay matapos na ibasura ng mga piskal ang reklamo laban sa tatay ng suspek na nagma-mayari ng SUV na sinasabing pinagsakyan kay Salilig.
Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, ito ay dahil sa hindi nakapasa ang reklamo sa pamantayan na probable cause with reasonable certainty of conviction.
Inaresto ng mga pulis at kinasuhan sa DOJ ang tatay matapos umano na hadlangan ang mga ito na maisilbi ang seize warrant para makuha ang sasakyan ng anak.
Nanawagan naman ang DOJ sa mga opisyal ng mga barangay kung saan nangyari ang insidente at ng unibersidad na makipagtulungan sa mga otoridad para makakalap pa ng mga ebidensya at matunton ang iba pang mga suspek.
Umapela rin ang kagawaran sa Tau Gamma Phi na himukin ang mga miyembro nito na sangkot sa sinasabing kaso ng hazing na sumuko na at makiisa sa imbestigasyon.
Moira Encina