Reklamong qualified theft ni Kris Aquino laban sa dating business partner nito, ibinasura ng Taguig Prosecutor’s Office
Inabswelto ng Taguig Prosecutor’s Office ang dating business partner ni Kris Aquino na si Nicko Falcis II sa reklamong qualified theft na inihain laban dito ng aktres.
Sa 10 pahinang resolusyon ni Assistant State Prosecutor Claire Eufracia Pagayanan, sinabi na walang ebidensya na ninakaw ni Falcis ang BDO Visa gold corporate card ni Aquino.
Ayon pa sa piskal, batay sa mga ebidensya ng parehong partido, boluntaryong ibinigay ni Aquino ang credit card kay Falcis at inilagay ito sa pangalan ng business partner.
Pero inirekomenda ng prosekusyon na kasuhan sa korte si Falcis ng estafa at credit card fraud o paglabag sa RA 8484 matapos makitaan ng sapat na batayan ang reklamong inihain ni Aquino.
Sinabi sa resolusyon na bagamat ibinigay ng aktres kay Falcis ang credit card, ito ay pinapagamit lamang sa mga bayarin ng Kris C. Aquino Productions.
Ayon pa sa piskalya, may sapat na ebidensya na nagpapakita na ginamit ni Falcis sa maraming transaksyon ang corporate credit card para sa sarili nitong benepisyo.
Ulat ni Moira Encina