11 suspek sa Christine Dacera rape-slay case, abswelto sa kaso
Inabswelto ng Makati City Prosecutor’s Office sa reklamong rape with homicide ang 11 suspek sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Ayon kay Office of the Prosecutor General Spokesperson Atty. Honey Rose Delgado, ibinasura ng piskalya ang reklamong kriminal na inihain ng PNP laban sa mga respondents dahil sa kawalan ng probable cause.
Kabilang sa mga ipinawalang-sala sina John Pascual Dela Serna III, Rommel Galido, John Paul Halili, Gregorio Angelo Rafael De Guzman, Jezreel Rapinan, Mark Anthony Rosales, Rey Ingles, Alain Chen, Louie De Lima, Jammyr Cunanan, at Eduard Pangilinan III.
Gayunman, nakabinbin pa rin aniya sa Makati City Prosecutor’s Office ang hiwalay na reklamo na inihain ng NBI kaugnay sa pagpanaw ni Dacera
Mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide, obstruction of justice, perjury, at mga paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs law ang isinampa ng NBI laban sa mga suspek.
Batay sa medico-legal report ng PNP Crime Laboratory na isinumite sa piskalya ng Makati, sinabi na hindi homicide kundi ruptured aortic aneurysm o natural death ang sanhi ng pagkamatay ni Dacera.
Si Dacera ay natagpuang walang malay sa bathtub ng isang hotel room sa Makati noong Bagong Taon.
Moira Encina