Rekomendasyon ng DOTr na gawing 100% ang kapasidad sa mga public transport sa NCR, pagpupulungan ng IATF
Kinumpirma ng Malakanyang na kasama sa agenda sa pulong ng Inter-Agency Task Force ang rekomendasyon ng Department of Transportation (DOTr) na gawing 100% na ang operating seating capacity sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na isinumite na ng DOTR sa IATF Technical Working Group ang kahilingang itaas na sa 100% mula sa kasalukuyang 50% operating seating capacity ang mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila bilang pilot testing.
Ayon kay Roque posibleng pagbigyan ng IATF ang rekomendasyon ito ng DOTR dahil nasa low risk na ang National Capital Region sa kaso ng Pandemya ng COVID-19.
Inihayag ni Roque batay sa scientific at medical record ng Department of Health patuloy ang pagbaba ng attack rate at transmission rate ng COVID-19 ganundin ang hospital bed utilization sa Metro Manila.
Idinagdag ni Roque isa sa dahilan ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ay umabot na sa mahigit 80 percent ng populasyon ang nabigyan ng anti-COVID-19 vaccine.
Vic Somintac