Rekomendasyon ng IATF na gawing optional ang pagsusuot ng face mask, pinaboran ng DOT
Sang-ayon si Tourism Secretary Christina Frasco sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na gawing optional ang pagsusuot ng face mask sa open spaces o sa labas na may magandang bentilasyon.
Ayon kay Frasco na miyembro ng IATF-EID, may agarang pangangailangan para i-adapt ng Pilipinas ang umiiral na global practices at makasabay ito sa mga kapitbahay sa ASEAN pagdating sa entry processes at health at safety protocols para masimulan ang tourism recovery.
Sinabi ng kalihim na ang pagluluwag ng health and safety requirements ng ibang bansa ay nagresulta sa positibong epekto sa ekonomiya at mas mabilis na recovery sa mga ito.
Ipinunto ng tourism chief na batay sa comparative analysis ng mask mandates, COVID-19 cases at tourist arrivals sa top 5 ASEAN countries na binubuo ng Singapore, Thailand, Malaysia, Vietnam, at Indonesia, hindi nagresulta sa pagtaas ng Covid cases ang pagluluwag sa pagsusuot ng face mask.
Ayon pa kay Frasco, bukod sa Singapore ay tumaas din ang tourist arrivals sa ibang bansa sa ASEAN.
Aniya lumalabas na walang direktang kaugnayan ang pag-alis sa mask mandate sa pagdami ng kaso ng Covid sa halip ay higit sa doble ang itinaas ng tourist arrivals sa mga bansa na tinanggal ang mandatory na pagsusuot ng mask.
Dehado aniya ang Pilipinas bilang tourist destination kumpara sa mga kapitbahay nito sa ASEAN na direktang kakumpetensiya nito na wala nang mask mandate.
Moira Encina