Rekomendasyon ng IATF na ilagay sa MECQ ang NCR, Laguna at Bataan, pinagtibay ni PRRD
Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter Agency Task Force o IATF na ilagay na sa Modefied Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang National Capital Region, Laguna at Bataan mula sa Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque simula August 21 hanggang August 31 ang NCR at Laguna ay magiging MECQ ang iiral na community quarantine samantalang ang Bataan ay ilalagay sa MECQ mula August 23 hanggang August 31.
Ayon kay Roque ang mga Local Government Executive ng NCR, Laguna at Bataan ay binibigyang karapatan ng IATF na magpatupad ng granular lockdown sa kanilang nasasakupan na mayroong naitatalang mataas na kaso ng COVID 19 at inoobliga din ang mga ito na paigtingin ang testing at contact tracing ganun din ang implementasyon ng minimum health standard upang maagapan ang paglaganap pa ng corona virus.
Inihayag ni Roque ang mga lugar na nasa MECQ ay hindi pa rin pinapayagan ang al fresco at dine-in sa mga restaurant ganundin ang operasyon ng personal care services tulad ng barber shop, salon, beauty parlor at nail spa.
Niliwanag ni Roque ang religious gathering ay mananatiling virtual sa NCR, Laguna at Bataan.
Vic Somintac