Rekomendasyon ng Senado na i-ban ang operasyon ng POGO sa bansa posibleng magkaroon ng maling impresyon sa mga mamumuhunan
Nagbabala si Senador JV Ejercito na posibleng magkaroon ng maling interpretasyon sa mga negosyante na nais maglagak ng puhunan sa bansa ang rekomendasyon ng Senado na i-ban ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Inamin ni Ejercito na hindi siya pumirma sa Committee report ng Senate Ways and Means Committee na nagrerekomenda sa Malacañang para ipatigil ang POGO Operations.
Sinabi ni Ejercito na mas pabor siya sa dalawa hanggang tatlong taong phase out period upang hindi maapektuhan ang international business perception.
Iginiit ng mambabatas na una nang ideneklarang iligal ang POGO pero nagpasa ng batas ang Kongreso upang gawin itong ligal kaya’t pumasok ang mga investor sa industriya.
Hindi raw siya pro POGO pero nag-aalala siya sa posibleng epekto ng biglaang kanselasyon ng industriya na binuo rin naman ng Kongreso.
Sa pinakahuling impormasyon, pitong Senador pa lamang ang lumalagda sa report na nagsasaad ng rekomendasyon para sa tuluyang pagban ng POGO Operations sa Pilipinas.
Meanne Corvera