Rekomendasyon para sa magiging Quarantine classification sa NCR, isusumite ng IATF kay PRRD ngayong araw
Magbibigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ng rekomendasyon sa araw na ito ang Inter- Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kaugnay sa bagong quarantine classification na ipatutupad sa National Capital Region .
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na isinasailalim pa sa masusing pag-aaral ng IATF kung palalawigin pa ang ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine sa NCR na magtatapos na bukas, August 20 o luluwagan na ang community quarantine sa Metro Manila.
Ginawa ni Roque ang pahayag matapos magdesisyon ang Metro Manila mayors na ipaubaya na lamang sa IATF ang pagbuo ng rekomendasyon sa Pangulo kung aalisin na ang ECQ sa NCR o palalawigin pa dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 na pinaniniwalaang dulot ng Delta variant.
Batay sa report, hati umano ang posisyon ng Metro mayors sa pagpapanatili ng ECQ sa NCR samantalang sa panig ng mga negosyante ay hinihiling sa IATF na luwagan na ang quarantine classification sa Kalakhang Maynila upang mabuksan na ang mga negosyo at mabuhay ang ekonomiya.
Niliwanag ni Roque, anumang mabuong rekomendasyon ng IATF sa Pangulo sa quarantine classification sa NCR ay nakabatay ito sa scientific at economic data ng COVID 19 para balansehin ang ukol sa pag-iingat buhay para sa hanapbuhay.
Vic Somintac / TL