Relasyon ng Pilipinas at Amerika hindi apektado ng lumalakas na relasyon sa Russia-ayon sa Malakanyang
Walang nakikitang dahilan ang Malakanyang para maapektuhan ang relasyon ng Pilipinas at Amerika kahit pa patuloy na umiinit ang relasyon ng bansa ngayon sa Russia.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo posible aniyang may magandang benepisyo pa ito para sa US-Philippine relations.
Ayon kay Panelo maaaring mabahala na ang Amerika sa ginagawang hakbang ngayon ng Pilipinas para tumibay pa ang ugnayan nito sa mga maituturing na Eastern countries o mga bansa sa Silangan gaya ng China at Russia.
Matatandaang kakauwi lang ni Pangulong Duterte mula sa kanyang limang araw na official visit sa Russia.
Inihayag ni Panelo nagpapatuloy pa rin ang negogasyon ng Pilipinas at Russia para sa posibleng pagbili ng bansa ng armas at ibang gamit ng mga militar.
Kasunod nito idinagdag ni Panelo dapat mapaisip na ang Amerika na magbigay na ngayon ng mas patas na kasunduan sa pagbili ng Pilipinas ng military equipment sa kanila.
Binigyang diin ni Panelo maraming kundisyon na ibinibigay ang Amerika di gaya ng Russia at China na pareho pa na nagbigay ng libreng armas noong kasagsagan ng giyera sa Marawi.
Ulat ni Vic Somintac