Remdesivir, hindi dapat gamiting panggamot sa coronavirus ayon sa WHO
PARIS, France (AFP) — Hindi dapat gamiting panggamot sa COVID-19 patients ang anti-viral drug na remdesivir gaano man kalala ang kondisyon ng pasyente, dahil wala itong mahalagang epekto sa tyansang makagaling.
Ayon sa isang Guideline Development Group (GDG) ng international experts ng World Health Organization (WHO), walang ebidensya batay sa kasalukuyang available data na may improvement sa pasyente.
Una nang nagbigay ng temporary approval ang Estados Unidos, European Union at iba pang mga bansa para gamitin ang remdesivir matapos lumitaw sa initial research, na maaaring mapabilis nito ang recovery time sa ilang coronavirus patients.
Si US President Donald Trump ay binigyan ng remdesivir kasama ng iba pang mga gamot, nang magpositibo ito sa COVID-19 noong Oktubre.
Ang rekomendasyon ng WHO ay batay sa apat na international randomised trials na kinapapalooban ng higit sa 7,000 mga pasyente na na-ospital dahil sa COVID-19.
Sa pagsasapubliko ng kanilang updated treatment guidance sa BMJ medical journal, sinabi ng panel na ang kanilang rekomendasyon ay hindi nangangahulugan na ang remdesivir ay walang benepisyo sa mga pasyente.
Subalit batay sa latest figures, costs at delivery methods, nagpayo ang WHO laban sa pagbibigay ng remdesivir bilang karagdagan sa karaniwan nang treatment sa mga pasyenteng nao-ospital dahil sa COVID-19, gaano man kalala ang sakit.
Unang dinivelop bilang gamot para sa Ebola virus, natuklasan sa isang pag-aaral na inilathala noong Mayo, na ang remdesivir ay nakapagpaikli sa haba ng pananatili sa ospital ng pasyenteng may COVID-19, na mula 15 ay naging 11 araw na lamang.
Gayunman, sa kasunod na WHO pre-print, ang remdesivir ay lumilitaw na may kaunti lamang o walang epekto sa haba ng pananatili sa ospital o sa dami ng namatay, sa kalipunan ng higit 11,000 mga pasyenteng na-ospital mula sa 30 mga bansa.
© Agence France-Presse