Remote appearances mula sa abroad sa mga videoconferencing hearings, pinayagan na muli
Maaari nang aksyunan ng mga first- at second-level courts ang mga mosyon para sa videoconferencing hearings mula sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas.
Sa sirkular na inisyu ni Court Administrator Jose Midas Marquez, sinabi na nagpaso na ang dalawang moratoriums sa remote appearances mula sa ibang bansa para sa videoconferencing hearings.
Una nang sinuspinde hanggang Abril 1 at Hunyo 30 ngayong taon ng Korte Suprema ang remote apperances from abroad kasunod ng kahilingan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.
Hiniling ito na suspendihin bunsod ng pandemya at extraterritorial application ng mga batas ng Pilipinas na idinulog ng iba’t ibang foreign service posts.
Nakasaad sa OCA circular na puwede nang aksyunan ang mga nasabing mosyon basta pumayag ang mga embahada o konsulado ng Pilipinas na magamit ang pasilidad nito para sa videoconferencing.
Dapat ding ikonsidera ang mga aplikableng batas at regulasyon, at kasunduan sa host countries, at mga operational concerns dala ng pandemya.
Inabisuhan din ang mga hukom na itakda ang iskedyul ng pagdinig sa oras ng trabaho ng mga korte sa Pilipinas na may kaukulang koordinasyon sa concerned embassy o consulate.
Moira Encina