Remulla iuulat sa UN Human Rights Council sa Geneva ang “transformational reform” sa justice system sa ilalim ng Marcos Gov’t
Tumulak na patungong Geneva, Switzerland si Justice Secretary Crispin Remulla para pangunahan ang delegasyon ng Pilipinas na lalahok sa Fourth Cycle ng Universal Periodic Review (UPR) of the Philippines sa United Nations Human Rights Council (UNHRC).
Ang UPR ay ang peer-review mechanism ng UNHRC kung saan ang promosyon at proteksyon ng karapatang pantao ng lahat ng bansa ay sinusuri nang regular.
Ang UPR ng Pilipinas ay gaganapin sa November 14.
Ayon kay Remulla, ipababatid niya ang ongoing na komprehensibong reform program ng Pamahalaang Marcos na “Real Justice in Real Time.”
Kabilang na rito ang mga konkretong hakbangin para ma-decongest ang mga kulungan at pag-improve sa case buildup sa pamamagitan ng kooperasyon ng mga piskal, imbestigador at Commission on Human Rights (CHR).
Ibabahagi rin ng kalihim ang mga nakamit ng Marcos Government sa unang 100 araw pagdating sa proteksyon ng vulnerable groups gaya ng migrants at mga bata.
Ilalahad din ni Remulla ang mga update kung paano ipinatupad ng Pilipinas ang mga rekomendasyon ng UNHRC sa mga nagdaang rebyu.
Sinabi ng kalihim na sabik sila na pakinggan ang mga obserbasyon at rekomendasyon ng UN Member States.
Pero ipinunto ni Remulla na walang obligasyon ang Pilipinas na sundin ang lahat ng rekomendasyon.
Habang nasa Geneva ay makikipagpulong din ang kalihim sa Filipino community leaders doon.
Moira Encina