Remulla, kilala na ang mga posibleng sangkot na tauhan ng BI sa kaso ng Japanese fugitives
May ideya na si Justice Secretary Crispin Remulla kung sinu-sinong mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang posibleng nakasabwat ng mga puganteng Hapon kaya nakagamit ang mga ito ng cellphones habang nasa piitan ng BI sa Taguig City.
Ayon kay Remulla, aaksyunan ng DOJ ang mga dawit na BI personnel sa oras na maipadeport sa Japan ang apat na Japanese fugitives na idinadawit sa mga serye ng mga robbery doon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Japanese authorities, ang utak ng nakawan ay si Yuki Watanabe na itinuturong si alyas Luffy na nagpapadala ng utos sa pamamagitan ng encrypted messaging app mula sa BI Detention Facility sa Taguig.
Tumanggi ang kalihim na sabihin kung may mga matataas na opisyal na sangkot kaya naipuslit ang mobile phones at iba pang gadgets sa BI detention center kahit bawal ito.
Pero tiniyak ni Remulla na pananagutin nito ang sinuman na mapapatunayan na pumayag na magka-access sa communication devices ang mga nakaditeneng pugante.
Iginiit ng kalihim na hindi katanggap-tanggap ang nasabing gawain ng mga BI personnel.
Moira Encina