Remulla magsasalita sa 51st Session ng Human Rights Council sa Geneva
Nasa Geneva, Switzerland si Justice Secretary Crispin Remulla para pangunahan ang delegasyon ng Pilipinas at lumahok sa mga dayalogo at pagpupulong ng United Nations Human Rights Council (UNHRC).
Kasama ni Remulla ang ilang opisyal ng DOJ at DFA.
Ilalatag ni Remulla sa UNHRC sa Geneva, Switzerland ang mga hakbangin at reporma ng Marcos Administration para matiyak na napapangalagaan ang karapatang pantao sa Pilipinas.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakatakdang magsalita si Remulla sa 51st Session of the Human Rights Council sa Miyerkules, Oktubre 5.
Ayon sa DFA, ang pagbisita at partisipasyon ni Remulla sa UNHRC ay nangangahulugan ng mataas na pagpapahalaga ng Marcos Government sa karapatang pantao.
Bukod dito ay magsasalita rin ang kalihim sa 73rd Session of the Executive Committee of the High Commissioners’ Program kung saan nasa 29 na matataas na opisyal mula sa ibang mga bansa ang dadalo.
Doon ay inaasahan na tatalakayin ni Remulla ang humanitarian tradition ng Pilipinas bilang safe haven sa asylum seekers at refugees.
Sinabi ng DFA na lalahok din ang kalihim at ang Philippine delegation sa dayalogo ng International Convention on Civil and Political Rights (ICCPR).
Binigyang -diin ng DFA na ang mga UNHRC meetings at dialogues na magtatagal hanggang October 14 ay bahagi ng
mas malawak na domestic at international engagement sa usapin ng human rights at iba pang humanitarian issues.
Habang nasa Geneva ay makikipagpulong din ang justice secretary sa ilang matataas na opisyal ng UNHRC.
Kabilang dito si High Commissioner Nada Al Nashaif o kaya ay si incoming High Commissioner Volker Turk.
Gayundin kina UN High Commissioner for Refugees Mr. Filippo Grandi at International Committee of the Red Cross Vice-President Gilles Carbonnier.
Moira Encina