Remulla: “Pattern of impunity” nadiskubre sa Negros Oriental
Lumalabas umano na may “pattern of impunity” sa Negros Oriental.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, mahirap mailarawan ang nangyayari ngayon sa lalawigan.
Si Remulla ay kasama sa pagdalaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa burol ni Governor Roel Degamo.
Aniya, madami silang nakapanayam na tao sa probinsya para malaman ang tunay na pangyayari doon.
Sinabi ng kalihim na matapos ang pamamaslang kay Degamo ay nagkakaroon na ng linaw ang mga istorya na may “pattern of impunity” sa lugar na sa nakaraan ay hindi nila batid.
Nabubuhay aniya sa takot ang mga tao sa probinsya at ang nais lang ng mga ito ay maibalik ang kapayapaan sa lugar.
Kaugnay nito, sinabi ni Remulla na kinakailangan na maimbestigahan din ang mga nakaraang kaso ng pagpaslang sa lalawigan.
Ipinunto ni Remulla na hindi lamang ito ng kaso ng murder ni Degamo at ng walong sibilyan.
Binanggit ng kalihim ang reklamong multiple murder na inihain ni Atty. Levito Baligod kaugnay sa 2019 killings kung saan si Congressman Arnolfo Teves Jr. ang pangunahing respondent.
Dahil dito, inihayag ni Remulla na maaaring mas madami pang kaso ng pagpaslang ang isasampa sa DOJ ukol sa mga pangyayari sa Negros Oriental.
Moira Encina