Repatriation ng OFWs mula sa Lebanon, maaantala dahil sa lumalalang kaguluhan doon
Hindi matutuloy ang nakatakdang pag-uwi sa bansa ng ilang OFWs mula sa Lebanon.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ito ay bunsod ng patuloy na kanselasyon ng outbound flight ng airline companies dahil sa mga pagsabog sa Beirut.
Kabilang sa mga naantala ang biyahe ay ang 15 OFWs na dapat sanang nakaalis na noon pang September 25 mula sa Lebanon.
Sinabi ng DMW na tatlo sa 15 OFWS kabilang ang isang may medical condition ay na-reschedule ang pag-uwi sa October 11, habang 12 OFWs ang isasama sa 17 OFWs na naka-schedule naman sa October 22 kung walang ibang magiging aberya.
Inaasikaso na rin ng Migrant Workers Office-Beirut ang repatriation ng 63 pang OFWs na may kumpletong dokyumentasyon at clearances para umalis sa Lebanon.
May mahigit 100 OFWs naman ang naghihintay pa ng kanilang clearance mula sa immigration authorities bago sila ma-schedule ng repatriation dahil sa pansamantalang suspensyon ng mga operasyon sa ilang opisina sa Beirut.
Sa pinakahuling tala ng DMW, umaabot na sa 430 OFWs at 28 dependents mula sa Lebanon ang napauwi sa bansa simula nang mag-umpisa ng tensyon doon.
Moira Encina-Cruz