Reporma sa pension system ng retired military, kinontra sa Senado
Iminungkahi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na sa mga bagong retiradong miyembro ng militar na ipatupad ang anumang pagbabago sa pension system.
Sa harap ito ng pinaplanong reporma ng Marcos Administration at mga pangamba na mas lalaki pa ang pondong kailangan para sa mga retirado kumpara sa mga nasa aktibong serbisyo.
Ayon kay Go, malaki ang sakripisyo ng uniformed personnel retirees sa kanilang serbisyong inialay para sa seguridad ng bansa at dapat itong kilalanin sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na benepisyo sa kanila.
Pero dagdag ng mambabatas na dapat tiyaking hindi maapektuhan ang benepisyo ng mga kasalukuyang uniformed personnel retiree.
Kailangan aniyang balansehin ang fiscal stability ng bansa subalit hindi dapat isakripisyo ang kapakanan ng mga retiree na itinuturing nitong mga bayani.
Hindi rin sang-ayon ang senador sa ipinapanukalang mandatory contribution dahil tila bigay-bawi ang gagawin ng gobyerno matapos itaas ang kanilang suweldo noong 2018.
Meanne Corvera