Report ng Senado na nagpapaliban sa Brgy. at SK elections inilabas na
Inirekomenda na ng Senate Electoral Reforms at Finance Committee ang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.
Sa inilabas na Committee Report 163 na inakda nina Senate Majority Leader Vicente Sotto at Senador Richard Gordon, pinapayagan rin si Pangulong Duterte na mag appoint ng officers in charge sa mga Barangay taliwas sa inaprubahang bersyon ng Kamara .
Nakasaad sa report na kapag ang pangalan ng incumbent Barangay official ay kasama sa drug list ng Pangulo, sapat na itong batayan para tanggalin at palitan siya sa pwesto.
Nauna nang hiniling ng Pangulo sa Kongreso na ipagpaliban ang eleksyon dahil 40 percent umano ng mga Barangay captains sa buong bansa ay sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Inirerekomenda ng senado na isagawa ang synchronized barangay at Sangguniang Kabataan elections sa ikalawang Lunes ng May 2020 at magkakaroon ng halalan tuwing ikatlong taon.
Pero sa inaprubahang bersyon ngKkamara ipagpapaliban ang eleksyon sa October 23 pero kailangang magdaos ng halalan sa ikalawang linggo ng Mayo sa 2018.
Sa bersyon rin ng Kamara ang mga incumber officials ay may hold over position hanggang mapalitan sa susunod na eleksyon.
Sakaling aprubahan ng Senado ang bersyon nito, bubuo na ng bicameral panel para plantsahin ang magkaibang bersyon ng dalawang kapulungan.
Bukod kina Sotto at Gordon, ang committee report ay pirmado na ng lima pang Senador.
Ulat ni: Mean Corvera