Report ng Sydney Australia based study na mahina ang Pilipinas sa Covid-19 response, kinontra ng Malakanyang
Hindi pinaniniwalaan ng Malakanyang ang resulta ng isang pag-aaral na ginawa ng Sydney Australian based think tank na mahina ang ginagawang pagtugon ng pamahalaang Pilipinas sa pandemya ng COVID 19.
Batay sa nasabing pag-aaral pang 79 ang Pilipinas mula sa 98 bansa na isinali sa research ukol sa COVID 19 response samantalang nasa pangalawang puwesto ang Vietnam, pang-apat ang Thailand, pang-13 ang Singapore at pang-24 na puwesto ang Myanmar na pawang nasa Southeast Asia.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, ang resulta ng Australian based study ay taliwas sa report na inilabas ng World Health Organization (WHO) na maganda ang pagtugon ng Pilipinas sa paglaban sa pandemya ng COVID 19.
Ayon kay Roque sa lahat ng bansa sa daigdig pang 32 ang Pilipinas kung ang pag-uusapan ay kabuoang kaso ng COVID 19, pang 42 ang bansa sa may aktibong kaso at pang 73 sa kaso ng mga naitatalang namatay.
Inihayag ni Roque pinupuri ng WHO ang Pilipinas dahil nananatiling mabagal ang pagdami ng kaso ng COVID 19 ganun din ang case fatality rate.
Niliwanag ni Roque patuloy na ipatutupad ng pamahalaan ang standard health protocol na Mask, Hugas, Iwas upang patuloy na maiwasan ang pagkalat ng COVID 19 habang hinihintay ang pagsasagawa ng mass vaccination program ng gobyerno.
Vic Somintac