Resolusyon na ipabawi ang importasyon ng baboy inaprubahan ng Senado
Inaprubahan ng Senado ang Resolusyon na humihikayat kay Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang utos na ibaba ang Taripa sa importasyon ng karneng baboy at ang rekomendasyon na dagdagan ang Pork importation.
Sa Resolusyon na pirmado ng 16 na Senador, hinihimok ng mga mambabatas ang Pangulo na bawiin ang Execuive Order No. 128 na nagpababa sa taripa sa pork.
Kasama na rito ang rekomendasyon na itaas sa 400,000 Metric Tons ang minimum access volume o Import quota mula 54,000 MT.
Iginiit ng mga mambabatas na hindi magpapababa sa presyo ng baboy ang pagpapababa ng taripa o buwis sa importasyon.
Bilyon-bilyong piso rin ang mawawala sa buwis ng Gobyerno habang babaha ang baboy sa pamilihan na makasasama sa Local Industry.
Ayon din sa mga Senador, bigo ang Department of Agriculture na magbigay ng pruweba na talagang kakapusin ng 388,000 MT ang lokal na suplay ng karneng baboy na idinadahilan nito sa pagpapataas ng volume ng aangkating karne.
Meanne Corvera