Resolusyon para kwestiyunin ang legalidad ng People’s Initiative , isinusulong na sa Senado
Isinulong na sa Senado ang resolusyon na nagpapahintulot kay Senate president Juan Miguel Zubiri para kwestyunin ang legalidad ng kontrobersyal na People’s Initiative bilang paraan ng pagbabago sa saligang batas.
Ang Resolution 920 ay inihain ni Senate Majority Leader Joel Villanueva pero pirmado ng lahat ng miyembro ng Senado.
Sa resolusyon, inatasan si Zubiri na hingin ang serbisyo ng mga abugado para sa paghahanda ng legal action at mga argumento sa pagharap sa korte .
Pinagbatayan sa resolusyon ang naging ruling ng Korte Suprema na nagdeklarang hindi sapat ang Republic act 6735 o Initiative at referendum law para gamitin ang Peoples Initiative sa pag- amyenda sa saligang batas.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms kahapon, inamin ng mga dating mahistrado ng Supreme court na hindi sapat na batayan ang RA 6735 para umusad ang People’s Initiative.
Meanne Corvera