Resolusyon para madagdagan ang tinatanggap ng 4P’s beneficiaries , inihain sa Kamara
Nais ni 4P’S Partylist Representative at House Minority Leader Marcelino Libanan na dagdagan ang tinatanggap na ayuda mula sa pamahalaan ng mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4PS.
Dahil dito inihain ngayon ni Libanan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Resolution 184 na naglalayong repasuhin ng National Advisory Council ng 4P’S na nasa pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang patakaran sa pagkakaloob ng ayuda sa mga tinaguriang poorest of the poor.
Ayon kay Libanan ang computation na ginawa ng National Advisory Council ng 4PS ay ibinatay pa sa standard of living ng mga mahihirap na pinoy noong 2011.
Inihayag ni Libanan kulang na ang ibinibigay na buwanang ayuda sa 4PS beneficiaries na 300 pesos sa mga mahihirap na may anak na nasa elementarya, 500 pesos sa may anak na junior high school at 700 pesos sa mga may anak na nasa senior high school.
Sinabi ni Libanan na naging game changer ang pananalasa ng pandemya ng COVID-19 dahil tumaas ang inflation rate ng hanggang 6.4 percent nitong nakalipas na buwan ng Hulyo kaya lalong nahihirapan ang mga mahihirap na mamamayan sapagkat lalong tumaas ang presyo ng mga bilihin.
Vic Somintac