Resolusyon para sa imbestigasyon sa mga pampublikong gusali na tinamaan ng lindol sa Mindanao, inihain na sa HRep
Pinaiimbestigahan sa Kamara ang kasalukuyang estado ng mga pampublikong istruktura sa mga lugar na tinamaan ng malakas na paglindol sa Mindanao.
Sa House Resolution 1476 na inihain ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, nanawagan sa Kamara na magkasa ng inquiry in aid of legislation para alamin ang kalidad ng mga public structure at public works kung ang mga ito ay disaster resilient tulad ng bagyo at lindol.
Ginawa ng mambabatas ang hakbang matapos bumisita sa Sarangani at General Santos City na pinakamatinding tinamaan ng 6.8 magnitude na lindol noong November 17 kung saan maraming istruktura ang nasira dahil sa tila sub-standard ang pagkakagawa.
Ayon sa kongresista batay sa record ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) lima sa labing-isa na nasawi sa lindol ay nadaganan ng gumuhong istruktura.
Tinukoy din ni Tulfo na ang mga kalyeng nasira sa naturang probinsiya ay walang bakal at kung mayroon man ay singlaki lang ng hinliliit na daliri.
Maging ang nasirang pier sa Glan sa Sarangani ay wala ring connector at pinagtabi-tabi lang na concrete slabs ang pagkakayari.
Vic Somintac