Resolusyon para tigilan na ng Pangulo ang pakikialam at pamamahiya sa mga Senador, inihain sa Senado
Naghain si Senador Leila de Lima ng Resolusyon para hilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpakita ng kortesiya at tigilan na ang pambabastos sa Senado sa harap ng lantarang pagbanat ng Pangulo kina Senators Richard Gordon at Panfilo Lacson kaugnay sa imbestigasyon sa umano’y overpriced na medical supplies ng Department of Health.
Sa kaniyang Senate Resolution no. 898, sinabi ni De Lima na bilang pinakamataas na lider ng bansa, dapat nagpapakita ang Pangulo ng magandang ehemplo sa pamamagitan ng pagrespeto sa Democratic process at co-equal institution.
Nangangamba ang Senador na ang anumang pagtatangka ng Pangulo na i-discredit ang democratic process ay maaaring magdulot ito ng Constitutional crisis na maaari namang magresulta sa kawalan ng tiwala at kumpiyansa ng publiko sa mga democratic institutions gaya ng Senado.
Paalala ng mambabatas, trabaho ng Senado na alamin at imbestigahan kung saan napunta at tama ba ang ginagawang paggastos ng pondo ng taumbayan.
Meanne Corvera