Resorts World Manila handa nang mag operate muli
Handa na ang Resorts World na muling magbukas at magpatuloy ng operasyon makaraan ang ilang linggong suspensiyon nito matapos atakihin ng nag iisang gunman na si Jessie Carlos.
Ayon kay PAGCOR Chairman Andrea Domingo, kinausap na siya ni Resorts World Pres. Kingson Sian na nagsabing maaari na silang magbukas anumang oras.
Pero kailangan aniya na maging pormal ang request ng RWM para sa pagbawi sa suspension order.
Kasabay nito, tiniyak ni Domingo na magiging mabusisi ang PAGCOR bago magdesisyon kung babawiin na ang suspension order.
Aminado ang opisyal na marami rin silang ikinukonsidera, kabilang na rito ang humigit kumulang anim na libong empleyado ng Resorts World na hanggang ngayon ay pinapasweldo pa kahit sarado ang hotel casino.
Idinagdag pa ni Domingo na mabigat din na kunsiderasyon para sa PAGCOR ang apat na bilyong piso kada taon na naire-remit ng Resorts World sa kanilang ahensiya.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo