Restriksyon sa paggalaw ng mga hindi bakunado hinigpitan
Bawal munang pumasok sa mall, restaurants at mga pampublikong sasakyan ang mga indibidwal na hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.
Ito’y habang ipinaiiral ang alert level 3 sa Metro manila dahil sa pagsirit ng kaso at banta ng Omicron variant.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos , nagdesisyon ang Metro manila mayors na higpitan ang paglabas ng mga hindi pa bakunado dahil sila ang mas prone na mahawa.
Nababahala aniya ang mga alkalde dahil sa datos hanggang January 1 , tumaas ng hanggang 501 percent ang positive cases sa National Capital Region.
Papayagan naman daw silang lumabas kung bibili ng kanilang essential goods.
Sinabi ni Abalos na oobligahin nila ang mga establishment , malls at negosyo at mga PUVs na hingan ng vaccination card ang lahat ng customers.
Ang mga manggagawa na wala pang bakuna papayagan naman silang pumasok sa trabaho dahil essential ang trabaho.
Gayunman, oobligahin silang magpaswab test kada dalawang linggo batay sa patakaran ng inter agency task force.
Pero ang mga manggagawa ang sasagot sa gastos sa swab at hindi ang mga employer.
Nilinaw naman ni Abalos na pilot implementation pa lamang ang mga paghihigpit sa mga hindi bakunado para mapigilan ang pagkalat ng virus sa Metro manila.
Kasama sa mga bawal munang lumabas ang mga batang menor de edad na wala pang baluna.
Sa ngayon, binuksang muli ang mga isolation facilities sa bawat lungsod .
Bukas na rin ang mga mass testing centers habang sinisimulan na ang contact tracing lalo na ang mga posibleng nahawa sa babaeng nanggaling sa abroad na tumakas sa isolation facility.
Wala naman aniyang balak magpatupad ng shutdown ang mga LGU sa mga negosyo dahil hindi na ito makakatulong sa ekonomiya .
Pero lilimitahan ang capacity tulad ng mga restaurant.
Ang indoor pwede hanggang 30 percent habang ang outdoor pwedeng mag-accomodate hanggang 50 percent.
Pwede rin ang outdoor exercises maliban sa may physical contact tulad ng basketball at volleyballl.
Meanne Corvera