Resulta ng pag-aaral ng OCTA Research team ng UP at UST sa Covid-19 cases kabilang sa agenda ng IATF meeting para sa susunod na Quarantine classification sa bansa
Isinumite sa Inter Agency Task Force o IATF ng Octa research team ng University of the Philippines o UP at University of Sto Tomas o UST ang mga bagong datus ng kanilang pag aaral sa bilang ng mga bagong kaso ng Covid- 19.
Sa virtual press briefing sa Malakanyang, inanunsyo ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na batay sa resulta ng pinakabagong Octa research ng UP at UST naitala ang pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ng Covid-19 sa bansa.
Sinabi ni Roque kabilang ang mga datos ng UP at UST Octa research team sa agenda ng meeting ng IATF na siyang pagbabatayan ng magiging rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa magiging quarantine classification sa bansa partikular sa Metro Manila.
Ayon kay Roque mula sa dating 4,300 kaso ng covid 19 kada araw sa buong bansa noong August 12 to August 18 mayroon na lamang 2,988 kada araw nitong September 16 hanggang September 23.
Inihayag ni Roque bumaba na rin ang tinatawag na r-naught o bilis ng hawahan na naitala sa 0.82 nitong September 16 hanggang September 23 mula sa dating 1.14 noong August 12 hanggang August 18.
Niliwanag ni Roque sa National Capital Region o NCR na itinuturing na epicenter ng Covid-19 ay may pagbaba na rin at naitala ang 1,209 na lamang na kaso nitong Setyembre 17 hanggang September 24 mula sa dating 2,676 noong August 13 hanggang August 19.
Ang R-naught naman sa NCR ay naitala ang 0.74 na lamang nitong September 16 hanggang September 23 mula sa dating 1.14 noong August 12 hanggang August 18.
Ang positivity rate ay bumaba na rin sa 10 percent ngayong September 16 hanggang September 23 mula sa dating 16 percent noong August 12 hanggang August 18.
Kinumpirma ni Roque na magbibigay ng panibagong ulat sa bayan si Pangulong Duterte mamayang gabi subalit hindi pa niya matiyak kung kasama na sa i-aanunyo ng Presidente ang susunod na Community Quarantine sa Metro Manila mula October 1 hanggang October 31.
Vic Somintac