Resulta ng pagsusuri sa mga naging close contact ng pinay na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 sa Hong Kong lalabas ngayong linggo
Inaasahang mailalabas ngayong linggong ito ang resulta ng ginawang COVID-19 testing sa mga naging close contact ng pinay na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 sa Hong Kong.
Ayon kay Health Usec Ma. Rosario Vergeire, posibleng bukas o sa Biyernes ay lumabas na ang resulta ng ginawang pagsusuri sa kanila.
Isinabay na rin kasi aniya ang genome sequencing sa kanilang samples.
Kabilang sa mga sinuring close contact ng nasabing pinay ay sa Solano, Cagayan kung saan sya nagmula at sa Maynila kung saan naman ito nanatili bago lumipad patungong Hong Kong.
Kasabay nito, sinabi ni Vergeire na batay na rin sa report ng Hong Kong authorities, nasa stable na kondisyon ang pinay domestic worker na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 na kasalukuyang naka admit sa isang ospital.
Muli namang tiniyak ng DOH na maliban sa pagbabantay sa borders ay mahigpit rin ang ginagawang biosurveillance upang matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang mga bagong variant ng COVID-19.
Kabilang sa mga binabantayan ng DOH ay mga COVID-19 variant mula sa United Kingdom, South Africa at Malaysia.
Bagamat hindi deadly ang mga variant na ito, pinapabilis naman umano nito ang transmission ng virus.
Madz Moratillo