Resulta ng SWS survey na nagsasabing may access sa anti COVID-19 ang mayorya ng mga pinoy ikinatuwa ng Malakanyang
Ikinagalak ng Malakanyang na karamihan na sa mga Pilipino ay mayroon ng access sa anti COVID 19 vaccine.
Batay ito sa lumabas na resulta ng second quarter Social Weather Stations o SWS survey na nagpapakita na 68 percent ng mga Pilipino ay madaling makakuha ng bakuna laban sa COVID 19 sa kani-kanilang lugar habang 51 percent naman ang nagsabing nababagalan sila sa vaccination rollout.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque resulta ito ng pinagsama-samang pagsisikap ng ehekutibo, mga lokal na pamahalaan at major stakeholders kabilang na ang pribadong sektor na nag-ambag sa national vaccination program ng gobyerno.
Sa kabila nito sinabi ni Roque na bagamat marami nang nakamit ang bansa mula nang ilunsad ang ang anti COVID 19 national vaccination program marami pang dapat gawin.
Inihayag ni Roque kinikilala ng pamahalaan ang lumabas sa SWS survey na nagpapakita na marami pa ring lugar sa bansa ang wala pa ring access sa vaccination sites o kaya ay mabagal ang takbo ng pagbabakuna.
Tiniyak naman ni Roque na ginagawa ng gobyerno ang lahat para mapabilis pa ang pagbabakuna sa pamamagitan ng pagbili ng mas marami pang suplay ng bakuna, dagdagan ang mga personnel na magbabakuna kung saan gagawin na ring vaccinators ang mga pharmacist, medical interns at gawin na ring vaccination sites ang mga barangay health centers.
Idinagdag ni Roque nakikipag-ugnayan narin ang pamahaalan sa pribadong sektor para gawing regular na vaccination sites ang mga mall, damihan ang drive thru vaccination, 24/7 vaccination initiatives, at house to house vaccination.
Binigyang diin ni roque na hindi titigil ang gobyerno hanggat hindi nakakamit ng bansa ang population protection laban sa pandemya ng COVID 19.
Vic Somintac