Retired SC Justice Antonio Carpio tinanggap ang hamon ni PRRD na debate sa isyu sa West Philippine Sea
Handa si retired Supreme Court Justice Antonio Carpio na makipag-debate kay Pangulong Rodrigo Duterte sa sa isyu sa West Philippine Sea.
Sa isang statement, sinabi ni Carpio na malugod niyang tinatanggap ang hamon na debate sa anumang oras na paborable sa pangulo.
Kasabay nito, hinamon ng dating mahistrado si Duterte na agad magbitiw at tuparin ang sinalita nito na bababa ito sa pwesto.
Ito ay kapag napatunayan na nagsisinungaling ang presidente nang sabihin na sangkot si Carpio sa desisyon na iatras ang mga barko ng Philippine Navy sa
sa Scarborough Shoal sa nangyaring standoff noong 2012.
Iginiit ni Carpio na sumusumpa siya na hindi siya kailanman sangkot sa desisyon na umalis ang mga barko ng Navy sa Scarborough standoff sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
Ayon kay Carpio, siya ay mahistrado ng Korte Suprema sa nasabing panahon.
Aniya ang tanging nalalaman niya ukol sa pag-urong ng Navy ships ay ang mga nabasa niya sa mga pahayagan.
Sinabi ni Carpio na testigo niya rito si dating Pangulong Noynoy Aquino at ang mga defense secretary, foreign affairs secretary, at ang mga hepe ng Philippine Navy, Air Force at Coast Guard noong panahong iyon.
Sa speech ng pangulo noong Miyerkules ng gabi, pinaratangan nito sina Carpio at dating Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario na may kamay sa pag-atras ng mga pwersa ng Navy sa Scarborough standoff at kung siya ay mapatunayang nagsisinungaling ay magreresign siya.
Ayon pa sa pangulo, papel lamang ang arbitration case na naipanalo ng delegasyon ng Pilipinas na kinabibilangan nina Del Rosario at Carpio noong 2016 na nag-i-invalidate sa sinasabing nine-dash claim ng China sa West Philippine Sea.
Moira Encina