Retired SC Justice Antonio Carpio tutol sa mga isyu na inilatag ng Palasyo para sa debate ukol sa WPS
Hindi makikipag-debate si retired Supreme Court Justice Antonio Carpio kay Presidential Spokesman Harry Roque sa mga isyung inilatag ng Palasyo kaugnay sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, sinabi ni Carpio na nais ng Malacañang na pagdebatehan ang isyu sa kung sinong administrasyon ang responsable sa pagkawala ng Scarborough Shoal at Mischief Reef sa Pilipinas.
Ayon kay Carpio, walang saysay na pagdebatehan ang ukol sa Scarborough Shoal at Mischief Reef.
Paliwanag ng dating justice, walang factual basis na nakuha ng Tsina ang Scarborough Shoal sa ilalim ng Aquino administration
Wala rin aniyang factual dispute na naagaw din ng Tsina ang Mischief Reef mula sa Pilipinas noong Ramos government.
Inihayag pa ni Carpio na wala ring legal o factual dispute na napasakamay ng China ang mga nabanggit na teritoryo na paglabag sa international law.
Iginiit ni Carpio na handa siyang makipag-debate sa Pangulo o sa kung sinuman ang italaga nito ukol sa factual accuracy at adverse legal implications sa bansa ng paulit-ulit na pahayag ng presidente na ang Tsina ang may pag-aari o kontrol sa West Philippine Sea.
Moira Encina