Retired SC Justice Arturo Brion nanumpa na bilang Philippine Judicial Academy Chancellor
Nakapanumpa na sa puwesto si retired Supreme Court Justice Arturo Brion bilang bagong Philippine Judicial Academy (PhilJA) Chancellor.
Si Chief Justice Alexander Gesmundo ang nagpanumpa kay Brion sa isang virtual ceremony.
Si Brion ay nasa kaniyang tahanan sa San Pablo City, Laguna kasama ang asawa na si Atty. Antonietta C. Articona-Brion habang nasa SC Dignitaries’ Lounge si Gesmundo.
Sinaksihan ng ilang mahistrado ng Korte Suprema ang online oathtaking ceremony ni Brion.
Pinalitan ni Brion si Chancellor Adolfo Azcuna na nagtapos ang termino noong Mayo 31.
Si Brion ay naupong associate justice ng Korte Suprema mula March 2008 hanggang December 2016.
Naging kalihim din si Brion ng Department of Labor and Employment mula 2006 hanggang 2008, at undersecretary ng Department of Foreign Affairs mula 2002 hanggang 2003.
Nanilbihan din na mahistrado ng Court of Appeals si Brion mula 2003 hanggang 2006.
Topnotcher din ang bagong chancellor sa 1974 Bar Examinations.
Ang PHILJA na nilikha sa ilalim ng RA 8557 ay nagsisilbing training school para sa mga mahistrado, hukom, court employees, abogado at aspirante sa mga puwesto sa hudikatura.
Layunin nito na maipagpatuloy ang judicial education para matiyak ang competence at efficiency ng mga nasa hudikatura.
Moira Encina