Reverse Isolation strategy ng Marikina City, posibleng ipatupad na rin sa Mandaluyong
Isang mas praktikal na paraan para pababain ang kaso ng Covid-19 ang ipinatutupad ngayon sa Marikina City na tinawag na Reverse Isolation.
Sinabi ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro sa panayam ng Radyo Agila na ito ay isang out of the box, common sense solution, hindi karaniwang paraan kung saan ang mga miyembro ng pamilya na nag-negatibo sa Covid-19 ay iniaalis sa bahay samantalang ang mga nagpositibo naman na asymptomatic ang maiiwan sa bahay para mag-home quarantine at magpagaling.
Ililipat naman ang mga nagnegatibong family members sa reverse isolation facilities para doon muna manatili at isasagawa din ang swab test sa mga ito.
Ayon kay Mayor Marcy, naobserbahan nila na mas mabilis na gumagaling ang mga nagpositive sa ganitong paraan dahil mas komportable sila sa kanilang mga bahay at may support system.
Binabantayan din ang mga ito ng Barangay officials para sa mga pangangailangan at maging ng kanilang mga kapitbahay.
Binanggit pa ng alkalde na susubukan din umano ng Mandaluyong City ang nasabing pamamaraan lalo pa nga’t nagkukulang na tin ang quarantine facility sa Mandaluyong.
Julie Fernando