Riders community nanawagan ng ‘no vote’ kay Sen. Gordon
Bagamat wala daw inilunsad na pormal na kampanya laban sa re-election bid ni Senador Richard Gordon, isinusulong naman ng Riders Community ang “No Vote” para sa mambabatas.
Kasunod ito ng kontrobersiyal na Doble Plaka Law ni Gordon.
Ayon kay Motorcycle Riders Organization Chairman JB Bolanos, ilan sa mga grupong nagsusulong ng no vote kay Gordon ay ang Kalipunan ng Riders sa Makauring Adbokasiya at Alliance of Pagbilao Riders.
Ayon kay Bolanos, sila sa MRO ay nasa 130,000 ang miyembro sa buong bansa.
Pero hindi lang daw si Gordon ang kanilang ibo-boykot sa eleksyon kundi maging ang iba pang mambabatas na sariling interes ang isinusulong sa paggawa ng batas.
Mariing kinukondena ng riders group ang Doble Plaka Law dahil sa hindi ito dumaan sa public consultation at pawang naglalaman ng mga probisyong anti- rider.
Sa Senado ay naghain si Senador Leila de Lima ng resolusyon na humihiling na magkaroon ng rebisyon sa batas.
Ipinagutos na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na rebyuhin ito partikular ang probisyon sa penalties.
Madelyn Villar