Ridge-to-Reef Virtual Field Trip, isasagawa ng DepEd ngayong Sabado
Nag-aanyaya ang Department of Education (DepEd) sa mga bata at mga magulang na sumama sa kanilang Ridge-to-Reef Virtual Field Trip papuntang Danjugan Island ngayong Sabado, Nobyembre 20, 9:00 ng umaga.
Hatid ito ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) at ng Philippine Reef and Rainforest Conservation Foundation (PRRCF).
Sa naturang virtual field trip ay bibisitahin ang yamang likas ng Pilipinas at matututunan ang kahalagahan ng samot-saring buhay at paanong ang lahat ng ito ay magkakaugnay, sa kasalukuyang hinaharap na mga problema dulot ng climate change.
Layunin nito na hindi lamang maipakita ang nakamamanghang ganda ng kalikasan, kundi makapagbigay ng kaalaman kung paano ito mapangangalagaan at para malabanan ang pagbabago ng klima.
Ang Ridge-to-Reef Virtual Field Trip ay bahagi ng pagdiriwang ng 5th National Climate Change Conference na may temang “Reinforcing the Youth’s Role on Stewardship of Biodiversity for Climate Stability,” na nagsimula na ngayong araw, November 19 at tatagal hanggang November 25, 2021.