Rigodon sa Gabinete, nakaamba dahil sa pagtakbo sa eleksyon ng ilang Cabinet Officials
Hindi maiiwasan na magkaroon ng pagbabago sa hanay ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa planong pagtakbo sa halalan sa susunod na taon ng ilang Cabinet officials.
Batay sa report ang mga nakatakdang tumakbo sa eleksyon ay sina Special Assistant to the President Secretary Bong Go, Presidential spokesman Harry Roque, Presidential Political Adviser Francis Tolentino na tatakbo sa pagka-Senador.
Sina Secretary to the Cabinet Leoncio Evasco, Tesda Director General Jim Mamunyong at Presidential Adviser for OFWs Abdullah Mamao ay tatakbo sa local position.
Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque sa ambush interview sa Malakanyang hindi pa siya nakapagdidesiyon kung tatakbo siya sa pagka-Senador.
Ayon kay Roque kakausapin pa niya si Pangulong Duterte kung tutuloy siya sa pagtakbo sa Senado.
Inihayag ni Roque tiyak na makakahanap ang Pangulo ng bagong spokesman kung tuluyan siyang kakandidato.
Ayon sa batas lahat ng tatakbong appointed Government Officials sa Elected position ay obligadong mag-resign sa puwesto.
Iitinakda ng Comelec sa October 11 ang umpisa ng paghahain ng Certificate of Candidacy o COC ng mga kakandidato sa mid-term elections sa susunod na taon
Ulat ni Vic Somintac