Robot na si Franzi, pinasasaya ang mga pasyente sa Germany
MUNICH, Germany (AFP) – Tagalinis ang papel ng robot na si Franzi sa isang ospital sa Munich, pero may bago na siyang trabaho ngayon. Ang pasayahin ang mga pasyente at staff ng ospital ngayong may pandemya.
“Can you move out the way please? I need to clean,” ito ang maririnig na sinasabi ng robot sa wikang Aleman kapag may mga taong nakaharang sa kaniyang pre-programmed cleaning route.
“You need to move! I really want to clean!” ito naman ang kaniyang sinasabi kapag may ilan na hindi pa rin umaalis, at kapag wala pa ring gumalaw para bigyan sya ng daan sa kaniyang paglilinis ay may lalabas nang digital tears sa LED-light eyes ni Franzi.
Sinabi ni Constance Rettler ng Dr. Rettler, ang kompanyang namamahala sa paglilinis sa Neuperlach hospital na nagbigay sa robot, hindi pinapayagan ang mga bisita sa ospital ngayong may pandemya, kaya’t si Franzi na lamang ang nagpapasaya sa mga ito.
Tatlong beses sa isang araw, si Franzi ay pumapasok sa entrance hall ng pagamutan para lampasuhan ang sahig sa pamamagitan ng kaniyang mga paa. Kinukunan sya ng larawan ng naaaliw na mga pasyente, habang ang iba ay tumitigil pa upang makipagkwentuhan sa robot na isang metro lang ang taas.
Nakangiting kwento ni Tanja Zacherl, nangangasiwa sa hospital maintenance, may isa silang bagong pasyente na bumababa tatlong beses sa isang araw para makipag-usap kay Franzi.
Binuo ng isang kompanya sa Singapore, ang orihinal na pangalan ni Franzi ay Ella at ang salita nito ng English bago dumating sa Munich ngayong taon, subalit perfect na siyang magsalita ngayon ng Aleman (German) habang sumasagot sa mga nag-i-interview sa kaniya, kung saan sinasabi nito na ayaw niyang lumaki at hilig nya ang paglilinis.
Kapag inudyukan, maaari rin siyang kumanta ng classic German pop songs at kaya rin niyang mag-rap.
Giit ng Rettler, ang trabaho ng robot ay suportahan ang mga tao lalo na ngayong pandemya.
Ayon sa kompanya . . . “With the pandemic, there is lots of extra disinfecting work to be done in hospitals. While Franzi is cleaning the floors, our employees can concentrate on doing that.”
Gayunman, may limitasyon si Franzi dahil hindi nito kayang umalis kapag naipit sa isang sulok nang walang tulong ng isang tao. Kapag na-corner, si Franzi ay umiiyak.
May dahilan din naman para si Franzi ay magsaya, dahil matapos ang isang test phase ng ilang linggo, tila mananatili na siya sa Neuperlach hospital.
Nagpasya na kasi ang Rettler company na huwag nang alisin si Franzi kundi gawin nang permanente ang robot sa naturang ospital, sa halip na ilipat sa ibang lugar.
© Agence France-Presse