Roll signing ng Shari’ah Bar passers, itinakda sa Hunyo 9
Isasagawa sa Hunyo 9 sa Korte Suprema ang paglagda sa Shari’ah Roll of Counselors at Law ng mga pumasa sa 2020 Shari’ah Bar Examinations.
Sa abiso mula sa Office of the Bar Confidant, itinakda ang roll signing sa ganap na alas- 9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon sa Division Hearing Room ng Supreme Court.
Tanging ang mga dumalo sa oathtaking ceremony sa pamamagitan ng videoconferencing noong March 23 ang papayagan na lumagda sa Shari’ah Roll of Counselors at Law.
Kinakailangan naman na sumailalim sa antigen test ng SC clinic doctor ang bar passers pagdating sa Korte Suprema.
Ilan sa mga kailangang dalhin ng bar passers sa roll signing ay dalawang valid IDs, at ang bayad para sa bar admission, bar certification, at antigen test.
Obligado ring nakasuot ng formal attire ang bar passers at may suot din na face mask at full face shield bago pumasok sa SC premises.
Bawal naman na magdala ang bar passers ng panauhin sa panahon ng roll signing sa loob ng Supreme Court.
Kabuuang 71 mula sa 654 examinees
ang pumasa sa Shari’ah Special Bar Examinations noong nakaraang taon.
Moira Encina