Rose Lin na idinadawit sa operasyon ng POGO at illegal drugs, naghain na ng COC para sa pagka-kongresista
Naghain na ng kaniyang Certificate of Candidacy o COC sa COMELEC-NCR, ang idinadawit sa operasyon ng POGO at ilegal na droga na si Rose Lin, para tumakbong kongresista sa 5th District ng Quezon City.
Nasa ika-anim na araw na ngayon ang paghahain ng COC ng mga tatakbo sa pagka-kongresista sa National Capital Region (NCR), na nagsimula noong October 1 at magtatapos sa October 8 ngayong taon.
Umabot na sa 60 ang naghain ng COC mula nang magsimula ang filing noong October 1 sa tanggapan ng COMELEC-NCR regional office sa Greenhills, San Juan.
Batay sa record ng COMELEC-NCR, noong 2022 elections ay umabot sa 92 ang naghain ng COC para sa congressional seat ng NCR na binubuo ng 33 congressional district mula sa 16 na ungsod at isang munisipalidad.
Pinaka-kontrobersiyal na naghain ngayon sa COMELEC-NCR ay si Rose Lin na iniimbestigahan sa QUADCOM ng kamara dahil sa isyu ng POGO at ilegal na droga, kung saan konektado si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kasama sina dating presidential economic adviser Michael Yang at Lin Wixiojg alyas Allan Lin, na asawa ni RoseLin batay sa natrix na ipinakita ni House Deputy Speaker Jayjay Suarez.
Tumanggi si Lin na sagutin ang tanong ng media sa kaniyang pagkaka-ugnay sa operasyon ng POGO at ilegal na droga.
Ang COMELEC-NCR office ay bukas mula alas-8:00 ng umaga hanggang ala-5:00 ng hapon, kasama ang Sabado at Linggo para sa paghahain ng COC.
Vic Somintac