Rotational brownout posibleng ipatupad ng Meralco
May posibilidad na magpatupad ng Rotational brownout ang Meralco sa Metro Manila at karatig lalawigan na sineserbisyuhan nito.
Ito ang babala ni Meralco Vice President and Corporate Communications Head Joe Zaldarriaga sakaling umabot sa red alert ang status ng mga power grid na nagsusuplay ng kuryente sa Metro manila at karatig lalawigan.
Ayon kay Zaldarriaga, inaasahan na nila ang pagtaas ng demand ng kuryente ngayong summer season kaya may mga paghahanda silang inilatag para masiguro ang sapat na suplay ng kuryente.
Isa na aniya rito ang pagpasok sa interim power supply agreement para ma-cover ang demand ng kuryente kapag peak season.
Pinaghihinay-hinay rin ng opisyal ang publiko sa paggamit ng kuryente dahil kaakibat aniya ng pagtaas ng demand ang pagtaas din ng presyo nito sa wholesale electricity spot market.
Nabatid na Mayo ang peak ng mainit na temperatura kaya tataas ang demand ng suplay ng kuryente .