Rotational water interruption ng Manila water sa kanilang mga costumers, tuloy pa rin…Rebate sa bill, matatanggap ng lahat ng mga customers sa Hunyo
Tuloy pa rin ang rotational water interruption ng Manila Water sa kabila na umabot na sa 99 percent ng kanilang mga costumers ang nakakaranas na ng mahigit walong oras na tuluy-tuloy na water service.
Ayon kay Manila water spokesperson Jeric Sevilla, ito ay sa layuning mabigyan ng tubig araw-araw ang lahat ng kanilang customers.
Gayunman, nilinaw ni Sevilla na unti-unti nang naibabalik ng water concessionaire ang 24 oras na suplay ng tubig sa halos mahigit 80 porsyento nilang mga customers.
Sinisikap pa rin aniya nilang dagdagan ang mga deep well na paaandarin nila para makatulong sa water supply.
“Bagamat medyo na-improve na natin ang sitwasyon pero yung suplay natin ay kulang pa rin. Pinipilit natin na madagdagan pa ang mga deep well na paaandarin atin at maging ang cross border na galing sa Maynilad”.
Samantala, simula sa buwan ng Hunyo ay makakatanggap ng minimum rebate ang lahat ng mga Manila water costumers dahil sa nangyaring matinding water shortage.
“So itong darating na June, make-credit yung minimum rebate para sa lahat ng costumers. 153 pesos sa lahat ng mga residential at karagdagang rebate para sa lahat ng mga mas labis na naapektuhan na additional 2,197 pesos in the form of a bill credit”.