RT-PCR molecular lab sa Zamboanga del Norte binuksan na
Operational na ang RT-PCR molecular laboratory ng pamahalaang panlalawigan ng Zamboanga del Norte, na nasa Brgy. Irasan, Roxas City.
Sa pamamagitan ng naturang molecular laboratory, ay malalaman na sa loob lamang ng 8-24 oras ang resulta ng RT-PCR test, at mapadadali rin ang pagresponde ng bawat local government units (LGUs) sa pag- isolate at pagkontrol sa pagkalat ng virus.
Sa kaniyang mensahe ay sinabi ni Gov. Roberto Uy, na labis ang pagsisikap ng provincial government upang magkaroon ito ng katuparan.
Aniya, hindi naging madali ang pagkuha ng License to Operate ng COVID-19 testing laboratory mula sa DOH-RITM, sapagkat marami atong pagdaraanang stages tulad ng pagbili ng lahat ng medical equipment at supplies, pati na rin ang pagpasa ng mga medical technologist sa serye ng mga test.
Gumastos ang pamahalaang panlalawigan ng humigit kumulang P75million sa pagbili lamang ng medical equipments at supplies na kinakailangan, gaya ng apat na UV pass box, apat na refrigerators para sa reagents at specimen storage, tatlong autoclave, dalawang centrifugal chimneys, kasama ang tatlompung CCTV at mga isinagawang structural changes sa loob ng building.
Sa kaniya namang mensahe ay binanggit ni DOH Regional Director Joshua Brillantes, na mayroon ding P5million na inilaan ang DOH para sa operasyon ng nasabing RT-PCR testing lab.
Tiniyak naman ni Executive Assistant Mr. Joey Bernad, na siyang Incident Commander ng PIATF, na safe at walang dapat ikabahala ang mga mamamayan tungkol sa naturang RT-PCR.
Pagkatapos ng inagurasyon, ay isasara sa publiko ang naturang pasilidad at tanging trained medical technologists at mga doktor lamang ang pahihintulutang makapasok doon.
Ang RT-PCR swabbing ay gagawin sa Zamboanga del Norte Medical Center at dadalhin sa nasabing laboratory ang mga specimen na makokolekta.
Sa ngayon ay P3,800 angsingil para sa RT-PCR test sa pasilidad na ito. Maaari rin itong tumanggap ng mga specimen mula sa ibang probinsya.
Bukas ito mula Lunes hanggang Biyernes, at maging Sabado at Linggo kung sakaling may emergency.
Kabilang sa dumalo sa inagurasyon sina Vice Governor Senen Angeles, first lady Evelyn Tang-Uy, Provincial Health Office- Head Dr. Esmeralda Nadela, OIC-Provincial Tourism Office, Atty. Goldie Love Gonzales, heads of offices sa probinsya, at Roxas Mayor Jan Hendrik Vallecer.
Ulat ni Lady Mae Reluya