Rules sa paggamit ng body cameras sa pagsisilbi ng search at arrest warrants, posibleng maisapinal ng SC sa Hulyo
Binabalangkas na ng Korte Suprema ang mga panuntunan sa paggamit ng body cameras ng mga otoridad sa pagsisilbi ng search at arrest warrants sa mga suspek.
Sa kanyang pagharap sa unang pagkakataon sa media bilang punong mahistrado, sinabi ni Chief Justice Alexander Gesmundo na tatalakayin ng mga mahistrado sa pagpapatuloy ng kanilang sesyon sa June 15 ang panukalang rules.
Ayon pa kay Gesmundo, isinumite na rin ng mga justices ang kanilang inputs ukol sa usapin.
Tiwala si Gesmundo na pagkatapos ng dalawa o tatlong deliberasyon ay matatapos na ng SC ang pinal na bersyon ng panuntunan sa paggamit ng body-worn cameras sa Hulyo at aaprubahan nila ito para sa agarang implementasyon.
Sinabi pa ni Gesmundo na isinumite na rin ni Justice Marvic Leonen ang draft sa panukalang amyenda sa rules sa pagiisyu ng search at arrest warrants ng mga hukom.
Umaasa ang punong mahistrado na ang mga naturang panukala sa oras na pagtibayin ay makatutugon sa mga kuwestyonableng pagpapalabas ng warrants ng judge at sa implementasyon nito ng mga otoridad.
Una rito ay dumulog sa Korte Suprema ang iba’t ibang grupo kabilang ang mga abogado para rebyuhin ang proseso at rebisahin ng SC ang rules sa issuance ng mga warrants.
Ito ay makaraan na mapatay ng mga pulis sa CALABARZON sa pagsisilbi ng search at arrest warrants ang siyam na aktibista noong March 7 na tinaguriang ‘Bloody Sunday.’
Moira Encina