Ruling ng SC na nagdideklarang hindi bahagi ng BARMM ang Sulu, hiniling na baligtarin
Dumulog sa Korte Suprema ang ilang opisyal ng Moro National Liberation Front (MNLF) kaugnay sa desisyon nito na nagdedeklarang hindi parte ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang lalawigan ng Sulu.
Nais ng mga opisyal na irekonsidera at isantabi ang naging ruling nito noong September 9 na nagtanggal sa Sulu sa Bangsamoro region.
Nababahala sila dahil tila ipinapawalang-bisa ang mga nilagdaang peace agreement nito sa mga nakaraan dahil sa hindi pagbilang sa Sulu sa BARMM.
Sinabi ni Prof. Norin Sayyad Palong, MNLF Foreign Affairs Secretary, “Nakatatlo po tayo ng agreement between the MNLF and GPH which are the 1976 Agreement, 1986 Agreement, and finally 1996 Agreement which clearly stipulate and include Sulu as part of the core territory of the Bangsamoro, so kapag inalis mo po yung, walang Bangsamoro. Kapag inalis po natin yan, yung spirit ng agreement parang inaalog yun.”
Ayon pa sa grupo, maaaring magkaproblema balang araw sa BARMM kung hindi babaligtarin ang ruling ng Supreme Court.
Kaugnay nito, hiniling nila na maglabas ng bagong desisyon ang SC kung saan kabilang na ang Sulu sa BARMM at huwag muna ipatupad ang naunang ruling hanggang maisagawa ang 2025 elections.
Ayon ka Sheik Mohammad Marin Sulayman Adas, MNLF Secretary General for Islamic Affairs, “Kapag tinanggal mo ang Sulu, walang kabuluhan ang Bangsamoro. Pangalawa, ang pagkakaalam dito pumasok ito thru plebiscite thru democratic process doon sa tatlong agreement, now tinanggal ang Sulu, di dumaan sa democratic process, di dumaan sa due process, wala nang plebisicite. Malaking kawalan at magiging problema yan sa kinabukasan ng Bangsamoro people.”
Moira Encina-Cruz