Russia inakusahan ni Zelensky ng pag-atake sa humanitarian corridor sa Mariupol
Sinabi ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky, na nasa 100,000 katao ang lumikas sa dalawang siyudad sa bansa nguni’t inakusahan ang Russian forces ng pag-target sa isang humanitarian corridor sa siyudad ng Mariupol.
Sinabi ni Zelensky, na nagpasya siyang magpadala ng convoy ng mga trak na may dalang pagkain, tubig at gamot sa naturang port city na kinubkob ng Russia, ngunit naglunsad ng tank attack ang Russian forces sa lugar kung saan mismo naroroon ang humanitarian corridor at tinawag iyong “outright terror.”
Ayon sa Ukrainian leader, sa humigit-kumulang 100,000 katao na nagawang umalis sa iba pang lungsod ng Ukraine sa pamamagitan ng humanitarian corridors sa nakalipas na dalawang araw, may 40,000 sa mga ito ay tumakas nito lamang Huwebes.
Inakusahan na rin ng Ukraine ang Russia ng pagsasagawa ng air strike noong Miyerkoles sa isang maternity hospital sa Mariupol, isang strategic port sa Azov Sea, na ikinasawi ng tatlo katao kabilang ang isang batang babae.
Nitong Huwebes ay nangako ang Moscow, na araw-araw bubuksan ang humanitarian corridors upang makalikas ang mga Ukrainian patungo sa kanilang lupain, subali’t dati nang tinanggihan ng Kyiv ang evacuation routes na patungo sa Russia.