Russia nagbabala sa France tungkol sa hindi katanggap-tanggap na pagpapadala ng armas sa Ukraine
Nagbabala ang Russian Deputy Foreign Minister na si Alexander Grushko, sa kaniyang pakikipagpulong kay French ambassador to Moscow Pierre Levy laban sa “hindi katanggap-tanggap” na pagpapadala ng armas sa Ukraine.
Sa isang pahayag ay sinabi ng Russian foreign ministry, “Attention was focused on the unacceptability of further pumping Ukraine with Western, including French, weapons that the Kyiv regime uses to shell civilian and infrastructure facilities.”
Pinag-usapan din ng dalawa ang progreso ng pagpapatupad sa grain deal at ang mga problemang bumabangon tungkol sa food security, na tumutukoy sa nilagdaang kasunduan ng Russia at Ukraine kaugnay ng grain supplies.
Sa isa pang kasunduang nilagdaan kasabay ng paglagda sa grain deal, ay pinahihintulutan naman ang Russia na mag-export ng agricultural products at fertiliser, sa kabila ng Western sanctions sa Moscow dahil sa pagsalakay nito sa Ukraine.
Nakasaad pa sa pahayag, “The need to lift illegal sanctions against Russian producers of grain and fertilisers, as well as to remove obstacles to saturating the markets of developing countries in order to prevent severe humanitarian consequences, was pointed out.”
Binatikos ng Kremlin ang nasabing grain deal, na nilagdaan sa ilalim ng pamamagitan ng Turkey at ng United Nations, sa pagsasabing naapektuhan ang kanilang exports.
Sinabi ni Russian President Vladimir Putin, na karamihan sa grain deliveries ay dumating sa Europe, at hindi sa mahihirap na mga bansang mas nangangailangan.
Nitong Martes ay inakusahan ni Putin ang European Union ng pagharang sa 300,000 tonelada ng Russian fertiliser, para marating ang pinakamahihirap na bansa sa mundo.
© Agence France-Presse