Russia nagdala ng cargo sa ISS sa gitna ng geopolitical discord
Naglunsad ang Russia ng isang supply rocket patungo sa International Space Station (ISS), isa sa hindi pangkaraniwang Russia-US projects na namalaging buhay sa kabila nang pag-atake ng Russia sa Ukraine.
Sa kanilang telegram channel ay sinabi ng space agency ng Russia, na inilunsad ang isang Soyuz-2 rocket na may dalang Progress MS-26 cargo ship sa Baikonur space centre sa Kazakhstan, at ipinakita ang isang video ng lift-off nito.
Ang rocket ay nakatakdang dumating sa ISS sa Sabado, ayon sa ahensya.
Ang misyon ay magdadala ng fuel, pagkain at scientific equipment sa pito katao na kasalukuyang nasa space station na kinabibilangan ng tatlong Russian cosmonauts, dalawang American astronauts, isang Danish at isang Japanese specialist.
Noong Disyembre ay sumang-ayon ang Russian at US space agencies na palawigin pa ang kanilang joint flights sa ISS hanggang 2025.
Una nang sinabi ng Russia noong July 2022 na aatras na sila mula sa ISS project pagkatapos ng 2024.
Permanenteng nasa space station ang Russian cosmonauts at may mahalagang papel upang gumana ito. Gayunman, ang paglikha ng isang bagong Russian space station ay iprinisinta bilang isang prayoridad para sa Moscow.
Ang nag-set up sa ISS ay ang Russia, United States, Europe at Japan at ang unang assembly ay nagsimula noong 1998.
Ito ay sinadya upang patuloy na gumana hanggang 2024, ngunit sinabi ng US National Aeronautics and Space Administration (NASA) na maaari itong magpatuloy hanggang 2030.