Russian envoy pinuri ang neutrality ng Duterte Gov’t sa Russia- Ukraine conflict
Pinasalamatan ni Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagiging neutral ng pamahalaan ng Pilipinas kaugnay sa sitwasyon sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ayon kay Pavlov, “very balanced” at “very wise position” ang pahayag ni Duterte na mananatiling neutral ang Pilipinas sa isyu.
Naniniwala ang Russian diplomat na sa maraming larangan ang Pilipinas at Russia ay nagpapakita ng patas, pantay at mutually beneficial na ugnayan at interaksyon.
Samantala, binigyang- diin ni Pavlov na hindi nakikipag-digmaan ang Russia sa Ukraine.
Aniya ang ginagawa ng Russia ay sinusubukang alisin ang banta mula sa teritoryo ng Ukraine na nilikha ng mga bansang miyembro ng NATO (North Atlantic Treaty Organization).
Iginiit ng envoy na hindi lang seguridad ng Russia ang ipinaglalaban nila kundi maging ng buong Europa.
Nilinaw pa ni Pavlov na ang Russia ay para sa mapayapang resolusyon ng krisis at nais nila na makarating sa isang kompromiso sa lalong madaling panahon.
Moira Encina