Sa kabila ng pag-iral ng ECQ sa Metro Manila, mga bibiyahe para sa medical at emergency reasons, papayagang tumawid sa NCR plus borders
Inihayag ng Phil. National Police, na papayagang tumawid sa borders ng National Capital Region o NCR plus, ang mga bibiyahe para sa medical at iba pang emergency reasons habang umiiral ang Enhance Community Quarantine o ECQ sa Metro Manila.
Sinabi ni PNP Chief Guillermo Eleazar, ang mga naturang indibidwal ay classified din bilang authorized persons outside residences (APOR).
Kabilang sa mga ito ang mga mayroong appointment sa doktor, o mga indibidwal na kailangang bumalik sa kanilang lalawigan dahil may namatay na miembro ng pamilya, o kaya ay manganganak ang asawa.
Aniya, ang iba pang mga dahilan na bahagi ng kulturang Filipino ay tatanggapin din.
Ayon kay Eleazar, yaong mga nangangailangan partikular na ng emergency treatment, ay papayagang tumawid ng boarders laluna kung ang kanilang kondisyon ay hindi magagamot sa kanilang lokalidad, dahil sa kawalan ng medical facilities.
Dagdag pa ng PNP Chief, ang desisyon na payagan ang mga ito ay base sa assumption na karamihan sa mga ito ay may family doctors o trusted physicians na nakabase sa labas ng local government units (LGUs) kung saan sila nakatira.
Ani Eleazar . . . “Pati ang mga naka-schedule magpabakuna sa ibang siyudad ay makatatawid sa mga border dahil alam naman natin na may mga LGU na nagbabakuna ng mga empleyado ng mga kumpanya na located sa kani-kanilang mga lugar.”