Sa kauna-unahang pagkakataon mula 1969, Oscars hindi ipalalabas sa Hong Kong
HONG KONG, China (AFP) – Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng higit kalahating siglo, hindi ipalalabas sa Hong Kong ang Oscars.
Ang Hollywood top awards ay ipinalalabas kada taon sa Hong Kong simula noong 1969, sa pamamagitan ng free-to-air TVB sa kanilang English language channel.
Subalit ngayon ay walang channel na magpapalabas sa awards na gaganapin na sa susunod na buwan.
Ayon sa isang tagapagsalita ng TVB . . . “It was purely a commercial decision that we decided not to pursue the Oscars this year.”
Ang desisyon ay kasunod ng ulat ng Bloomberg News sa mga unang bahagi ng Marso, na ipinag-utos ng Communist Party propaganda department ng China sa kanilang state-controlled media, na huwag ipalabas ng live ang seremonya.
Ang pinaniniwalaang dahilan nito ay ang nominasyon ng “Do Not Split”, isang maikling documentary tungkol sa pro-democracy protests sa Hong Kong, maging ang nominasyon para sa Chinese-born US director na si Chloe Zhao para sa “Nomadland.”
Nagpalabas na ng mga artikulo ang state media na bumabatikos sa naturang documentary, habang binatikos din online ng mga nasyonalista si Zhao kaugnay ng kaniyang mga naging komento ilang taon na ang nakalilipas, na itinuturing na kritikal sa China.
Samantala, hindi pa kinokumpirma ng state broadcaster CCTV, na nagpalabas sa mga naunang Oscar ceremonies, kung ipalalabas nila ito ngayong taon.
Lahat ng media ay strictly censored sa mainland China.
Mas may kalayaan sa semi-autonomous Hong Kong sa ilalim ng model na tinatawag na “One country, two systems”.
Ngunit mabilis nang nagbabago ang lahat.
Matapos ang napakalaki at madalas ay mararahas na democracy protests noong 2019, kailangan nang kumilos ng Beijing para pigilan ang oposisyon kabilang na ang pagpapatupad ng national security law sa lungsod.
Bumagsak ang pro-democracy opposition, subalit ang batas ay tumagos maging sa cultural scene ng syudad.
Sa mga nakalipas na linggo, inalis ng mga sinehan ang isang protest documentary, kinansela ng isang unibersidad ang isang press photography exhibiton, habang pinayagan ng isang malapit nang magbukas na contemporary art museum na suriin ng security officials ang kanilang koleksyon.
© Agence France-Presse